Bulacan – Patay ang 41-anyos na lalaking mahimbing na natutulog matapos saksakin sa dibdib ng kanyang ka-trabaho sa bayan ng Angat nitong gabi ng Setyembre 30.
Sa ulat ni PCpt. Jayson Viola, hepe ng Angat Police Station, naganap ang insidente bandang 10:30 ng gabi sa Brgy. Sulucan.
Batay sa salaysay ng saksing live-in partner ng biktima, mahimbing silang natutulog nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang suspek na si alyas “Boy,” 48, kapwa charcoal maker, at sinaksak sa dibdib ang kanyang mister bago tumakas.
Agad isinugod ang biktima sa ospital para sa paunang lunas ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nang makarating sa mga awtoridad ang ulat ay agad silang nagsagawa ng follow-up operation, kaya kalaunan ay nahuli ang suspek.
Narekober din ang ginamit na kutsilyo na may habang 33 sentimetro, kabilang ang hawakan. Nahaharap ang suspek sa kasong murder habang nakakulong sa nasabing istasyon.