BULACAN, Philippines – Arestado sa manhunt operation ng mga awtoridad ang Top 6 Most Wanted Person (Provincial Level) sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) sa bayan ng San Rafael nitong Oktubre 1.
Sa report ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang wanted na si alyas “Joey”, 49, residente ng San Ildefonso.
Ayon sa report, isinilbi sa target ng tracker team ng PIU katuwang ang San Ildefonso at San Rafael police ang WOA bandang 4:30 ng umaga sa Brgy. Coral na Bato, San Rafael.
Nabatid na ang WOA sa kasong murder ay inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 82, Malolos City na walang inirekomendang piyansa.
Sinasabing ang suspek ay sangkot sa pagpatay ng dalawang indibiduwal sa isang garahe ng truck sa Brgy. Matimbubong noong Mayo 15, 2025, ayon na rin sa impormasyon.
Humihimas na ng rehas ang nasabing wanted habang nasa kostudiya ng nasabing yunit ng pulisya. (Dick Mirasol III)