MANILA, Philippines – Nagpasa ang Commission on Audit (COA) ng karagdagang apat na fraud audit reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan 1st District Engineering Office, na itinuring bilang “fully paid ghost projects” dahil walang aktwal na istruktura.
Sa kabuuan, 17 FARs na ang naisampa ng COA, kabilang ang siyam sa Ombudsman at ang naunang apat sa ICI. Ito’y alinsunod na rin sa direktiba ni Chairperson Gamaliel Cordoba noong Agosto 12, 2025 na magsagawa ng agarang audit sa lahat ng flood control projects ng DPWH sa Bulacan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
Lumitaw sa bagong FARs ang dalawang proyekto ng SYMS Construction Trading. Sa Baliuag, Bulacan, nadiskubre ng COA noong Setyembre 24, 2025 na walang flood control structure sa aprubadong lugar ng proyekto na nagkakahalaga ng P92.6 milyon at ang ipinakitang istruktura ay hindi tugma sa plano. Gayundin, sa Pulilan, Bulacan, isang P92.7 milyong proyekto ang idineklarang ghost project matapos matuklasan na ang ipinakitang slope protection ay matagal nang nakatayo bago pa man ang proyekto.
Pinanagot dito sina District Engineer Henry C. Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Planning and Design Section Chief Ernesto Galang, Engineer John Michael E. Ramos, Project Engineer Lemuel Ephraim SD. Roque, Engineer Jolo Mari V. Tayao, at si Sally N. Santos ng SYMS Construction Trading.
Sa Plaridel, isang kontratang nagkakahalaga ng P69.4 milyon ang ipinagkatiwala sa Topnotch Catalyst Builders, Inc. Ngunit sa inspeksyon noong Setyembre 15, 2025, walang nakitang flood control structure sa aprubadong site at ang ipinakitang proyekto ay hindi rin akma sa specification.
Inirerekomendang kasuhan dito sina Alcantara, Hernandez, Galang, Construction Section Chief Jaypee D. Mendoza, Ramos, Engineer Irene DC. Otingco, Engineer Joshua Blitz S. Roxas, Engineer Bernardo Villafuerte, at si Eumir S. Villanueva ng Topnotch Catalyst Builders, kabilang na ang mga opisyal at board members ng kumpanya.
Kabilang din sa mga ulat ng COA ang isa pang proyekto ng Triple 8 Construction and Supply, Inc. na nagkakahalaga ng P96.5 milyon sa Baliuag ay idineklara ring ghost project matapos matuklasang walang istruktura sa aprubadong lugar at ang ipinakitang flood control ay malayung-malayo sa plano. Sa kabila nito, fully paid na ang kontrata.
Kinilala bilang responsable rito sina Alcantara, Hernandez, Ramos, Galang, Mendoza, Engineer Raymond G. Tolentino, Engineer Lorenzo A. Pagtalunan, Engineer Elmer F. Arellano, at si Wilfredo M. Natividad, kasama ang mga opisyal at board members ng Triple 8 Construction and Supply, Inc.
Posibleng maharap ang mga sangkot sa kasong graft and corruption sa ilalim ng RA 3019, malversation, falsification of documents ayon sa Revised Penal Code, at paglabag sa COA Circular No. 2009-001, at Government Procurement Reform Act.
Nilinaw ng COA na pansamantala pa lamang ang listahan ng mga kakasuhan at maaari pang madagdagan habang nagpapatuloy ang audit. RNT