MANILA, Philippines – Binaril-patay ang isang barangay councilor sa Alaminos, Laguna nitong Huwebes, Oktubre 2.
Ayon sa Region 4A police, nakaupo ang biktimang si “Darwin,” 55, kagawad ng Barangay Poblacion 4, sa loob ng kanyang sari-sari store bandang 6:45 ng gabi nang dumating ang dalawang lalaki.
Walang ano-ano ay paulit-ulit na pinaputukan ang biktima gamit ang isang handgun.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang gunman sakay ng isang itim na motorsiklo na minamaneho naman ng kasabwat nito.
Nagtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad isinugod sa ospital sa San Pablo City, ngunit idineklarang dead on arrival.
Inaalam na ng mga imbestigador kung mayroong security camera sa paligid ng crime scene upang matukoy ang gunman at kasabwat nito.
Hindi pa rin tukoy ang motibo sa pamamaril. RNT/JGC