MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Education (DepEd) na tutugunan nito ang mga hinaing ng mga guro, partikular na ang mga ipinanawagan sa ikinasang classroom walkouts at rally kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Kasabay ng pagsisiguro na ang mga hinaing ng mga nagkilos-protesta ay mapakikinggan, siniguro rin ng DepEd na makikipag-ugnayan ito sa mga representative mula sa teaching profession.
Matatandaan na nanawagan ang mga guro noong Biyernes sa Marcos administration at education officials sa matagal nang problema kaugnay sa sahod, workload, at education budget kasabay ng kanilang pagdaing sa matagal nang korapsyon sa pondo ng bayan lalo na sa nagpapatuloy na anomalya sa flood control projects.
“We are in continuous dialogue with teacher representatives to address these concerns collaboratively. Rest assured, the DepEd leadership is not only listening but is committed to taking meaningful action,” pahayag ni Dennis Legaspi, DepEd chief media relations officer.
Sa Maynila, iginiit ng mga raliyista na ang mga guro ay nahihirapan na sa kulang na pasahod at hindi magandang imprastruktura ng mga paaralan dahilan para bumaba ang kalidad ng edukasyon.
Nagbabala ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na magsasagawa ito ng mas malalaking kilos-protesta kung magbubulag-bulagan ang pamahalaan sa kanilang mga panawagan.
Dahil dito, sinabi ni Legaspi na “We respect our teachers’ right to peaceful assembly and acknowledge the important issues they are raising.”
Kasabay nito, sinabi rin ng opisyal na ang administrasyong Marcos “continues to champion” ang kapakanan ng mga guro at iba pang empleyado ng pamahalaan sa mga reporma katulad ng Executive Order (EO) 64, na aniya ay “delivered a significant and much-needed boost to educators’ wages.”
Pirmado noong Agosto 2, 2024, ang EO ay nagbibigay ng salary increase para sa mga empleyado ng pamahalaan at ipatutupad sa apat na tranch epektibo sa unang araw ng 2024 hanggang 2027.
Nangako naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutugunan nito ang mandato ng Konstitusyon na ilagay ang pinakamataas na budgetary priority sa education sector sa proposed 2026 national budget.
Iginiit din ng DepEd na sa kauna-unahang pagkakataon ay maaabot ng Pilipinas ang UNESCO benchmark para sa education spending sa 4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa ilalim ng panukalang badyet. RNT/JGC