MANILA, Philippines – Aminado ang Department of Transportation (DOTr) na hirap ito sa pagpapatuloy sa susunod na stage ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), o ang route rationalization stage.
Kung maaalala, Agosto noong nakaraang taon ay inanunsyo ng DOTR na ang PUVMP ay pumasok na sa route rationalization stage matapos na mahigit 80% na ang nakapag-comply sa franchise consolidation process.
Ang consolidation ng individual PUV franchises sa mga kooperatiba o korporasyon ang unang stage ng PUVMP.
Sangkot naman sa susunod na stage o ang Local Public Transport Route Plans (LPTRP), ang pagbuo ng route networks ng local government units (LGUs) at ang pagtukoy ng bilang ng mga unit at mode of service sa isang tukoy na ruta.
Nagsisilbi rin itong basehan para sa pagbibigay ng Certificate of Public Convenience sa PUV operators.
Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, ang ahensya kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay nakapag-apruba na ng “more or less 31%” ng route rationalization plans na ipinanukala ng mga LGU.
Idinagdag pa ni Lopez na tinitingnan pa ng DOTR at LTFRB ang mahigit 70% ng panukalang LPTRPs.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na mayroong mga suliranin sa route rationalization stage katulad ng pagtatapat sa intercity at interregional service routes sa mga LGU.
“Andaming mga ruta na sinasabi nating unserviced routes. Madami din namang mga ruta na punong puno naman ang sasakyan kaya ito ang sinasabi, we have to be scientific,” aniya.
Ang PTMP ay sinimulan noong 2017 na layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon. Layon din nitong palitan ang mga unit na itinuturing na hindi roadworthy.
Nagkakahalaga ang isang modern jeepney unit ng mahigit P2 milyon na sinabi ng state-run banks LandBank and Development Bank of the Philippines na napakamahal nito para sa mga PUV driver at operator. RNT/JGC