MANILA, Philippines – Mahigit 30 sinkholes ang lumitaw sa San Remigio, Cebu kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa probinsya noong Martes.
Ayon kay San Remigio Mayor Mariano Martinez, nasa 32 sinkholes ang natagpuan sa kanilang munisipalidad at ang bilang ay maaari pang tumaas.
“We cover them, or just declare the areas unsafe. But the problem is there are already buildings,” ani Martinez.
Sa Sitio Sansan sa Barangay Maño, isang malaking butas ang puno na ng tubig, at mayroon pa itong kalapit na dalawa pang maliliit na sinkhole.
Mayroon ding sinkhole na natagpuan malapit sa dagat, at isang malaking sinkhole sa gilid ng residential area.
Nagsagawa na ang team mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mapping ng Bogo Bay Fault, na nagdulot ng malakas na lindol na kumitil sa buhay ng 70 katao.
Wala pang tugon ang Mines and Geosciences Bureau kaugnay nito. RNT/JGC