Home NATIONWIDE Resolusyon ng US Senate na kumukondena sa aksyon ng China sa WPS,...

Resolusyon ng US Senate na kumukondena sa aksyon ng China sa WPS, ikinalugod ng NSC

316
0

MANILA, Philippines — Malugod na tinanggap ng National Security Council (NSC) ang resolusyong inihain sa United States Senate na kumokondena sa “lumalalang agresyon” ng China sa West Philippine Sea (WPS) at muling pinagtitibay ang 74-taong Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ang Senate Resolution No. 409, na inihain ni US Sen. Pete Ricketts at sinuportahan ng mga senador mula sa dalawang partido, ay nananawagan ng mas matibay na kooperasyon sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.

“This strong and unequivocal language of the Senate Resolution sends a clear signal that the world is watching and the Philippines is not alone,” pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año.

Dagdag pa niya, ang pagkilala ng resolusyon na saklaw ng MDT ang anumang pag-atake sa mga puwersa, sasakyang pandagat, o eroplanong Pilipino sa South China Sea ay nagpapakita ng “lakas at katatagan ng alyansa” ng dalawang bansa laban sa mga illegal, coercive, aggressive, and deceptive (ICAD) na kilos.

Binanggit din ni Año na sa gitna ng mapanganib na maniobra ng mga barkong Tsino laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, sinusuportahan ng NSC ang panawagan ng resolusyon sa US government na tumulong sa joint patrols, training, cyber operations, at defense modernization ng bansa.

Samantala, tinutulan naman ng ilang grupong aktibista gaya ng Bagong Alyansang Makabayan ang anumang pinalawak na presensiya ng tropang Amerikano sa bansa, dahil umano’y maaaring madamay ang Pilipinas sa girian ng US at China.

Kasabay nito, patuloy na naghahanap ang Pilipinas ng mga bagong kasunduan sa seguridad sa iba pang bansa tulad ng Japan at New Zealand, habang nilalagdaan din ang bagong defense cooperation deal sa Germany.

Ang US resolution ay isasailalim pa sa pagtalakay sa Committee on Foreign Relations bago tuluyang maaprubahan.

Sa pahayag ng NSC, iginiit nitong mananatiling defensive ang posisyon ng bansa sa pagprotekta sa teritoryo nito, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award, at mga kasunduang pambansa at pandaigdig.

“As we commemorate the 74th year of the MDT, we reaffirm that our alliance with the United States is strong, our commitment to peace is unwavering, and our determination to safeguard regional peace and security is absolute,” ayon sa NSC. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here