Home METRO Mga suspek na pumatay sa Lalamove rider tukoy na

Mga suspek na pumatay sa Lalamove rider tukoy na

376
0

MANILA, Philippines – Tukoy na ng Pasay City police ang pagkakakilanlan ng dalawa sa tatlong suspek na bumaril at nakapatay ng isang Lalamove rider Biyernes ng gabi, Oktubre 3.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto na bagama’t tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek ay hindi ibinunyag ang pangalan ng mga ito, pati na rin ang ikatlong suspek na natukoy lamang sa pamamagitan ng isang alyas, upang hindi maapektuhan ang kanilang isinasagawang follow-up operation.

Mabilis namang isinugod sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktima na kinilalang si alyas Marvin, 31, Lalamove rider, kung saan idineklara itong dead on arrival sanhi ng isang tama ng bala sa ulo.

Ayon kay De Sesto, naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas 6:25 ng gabi sa BAC1-11 Street, Don Carlos Village, Barangay 190 Zone 20, Pasay City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, magde-deliver sa lugar ng inorder na pagkain ng isang customer at habang ilang sandali lamang na naghihintay ang biktima sa gilid ng kalsada ay lumapit ang tatlong suspek na lulan ng dalawang motorsiklo.

Nagdeklara ng holdap ang mga suspek ngunit pumalag umano ang biktima na nakipag-awagan pa ng baril sa isang suspek kung kaya’t pinutukan ito ng isa pang suspek sa ulo na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan.

Tinangay pa ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima bago pa man ito mabilis na nagsitakas sa lugar.

Wala namang natangay na gamit sa biktima kundi ang kanya lamang motorsiklo.

Dagdag pa ni De Sesto na hindi tumutigil ang mga operatiba sa pagsasagawa ng follow-up investigation at operation para sa agarang pagdakip ng mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakalalaya. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here