Home NATIONWIDE EU naglaan ng P54M sa humanitarian aid sa mga lugar na sinalanta...

EU naglaan ng P54M sa humanitarian aid sa mga lugar na sinalanta ng bagyo sa bansa

343
0

MANILA, Philippines — Naglaan ang European Union (EU) ng €800,000 o humigit-kumulang P54 milyon bilang humanitarian aid para sa mga Pilipinong sinalanta ng sunod-sunod na bagyo sa bansa.

Ayon sa pahayag ng EU nitong Biyernes, gagamitin ang pondo upang magbigay ng agarang tulong sa mga pinakamalubhang naapektuhang komunidad, partikular sa larangan ng shelter, kalusugan, at suplay ng tubig at sanitasyon.

Ang nasabing ayuda ay karagdagang tulong sa €6.5 milyon na nauna nang inilaan ng EU ngayong taon upang palakasin ang kahandaan ng Pilipinas sa mga sakuna.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), mahigit 2 milyong Pilipino ang naapektuhan o nawalan ng tirahan dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng bagyong Mirasol, Nando, at Opong, kalakip ang habagat.

Sa Masbate, 18 katao na ang naiulat na nasawi matapos manalasa ang Severe Tropical Storm Opong, habang iniulat din ang malawakang pagbaha sa ilang lugar matapos tumama ang bagyong Paolo.

Bukod dito, binabantayan din ng EU ang sitwasyon sa Cebu, matapos ang magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30 na nagdulot ng tinatayang P3 bilyon na pinsala sa imprastruktura.

“The EU expresses its condolences to the families of the victims and stands ready to provide additional support pending on-going needs assessment,” ayon sa pahayag ng unyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here