Home METRO “The Big One” pinaghahandaan na ng Maynila

“The Big One” pinaghahandaan na ng Maynila

250
0

MANILA, Philippines – Pinaghahandaan na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso katuwang ang lahat ng departamento ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng mga dapat gawin kung sakaling tumama ang malakas na lindol o mas kilala na “The Big One” sa Metro Manila.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Yorme sa ginanap na media forum na “Kapihan ng Samahang Plaridel” na inorganisa ng Association of Philippine Journalists at Samahang Plaridel Foundation, Inc sa Rizal Park Hotel, Lunes ng umaga, kung saan ibinahagi nito na tinutugunan ng pamahalaang lungsod ang panawagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na maghanda para sa posibleng pagtama ng “the big one”.

Aminado naman ang alkalde na hindi niya masagot kung handa na nga ba talaga sila sa pagtama ng malakas na lindol dahil hindi niya mahuhulaan kung gaano ito kalakas at kung ano ang laki ng pinsalang idudulot nito sa Maynila.

Sinabi niya na kung normal na sitwasyon lang na sakuna tulad ng “Ondoy” at malaking sunog, handa naman aniya sila dahil may sapat silang mga doktor, medical frontliners, first responders, evacuation sites, sapat na ambulansiya at iba pang sasakyan na magagamit.

Ginamit naman ni Yorme ang pagkakataon na pasalamatan ang School Division Office dahil nang muli siyang umupo bilang alkalde ng lungsod, nagpasiya ang School Board na payagan silang magamit ang mahigit 100 pampublikong paaralan kapag may malaking sakuna.

Samantala, naitanong naman sa alkalde kung kumusta naman ang pagganap bilang Konsehal sa Distrito Uno ng Maynila ng kanyang anak na si Joaquin Domagoso na nagwaging “Top Notcher” nitong nakaraang local election kung saan sumagot si Domagoso na muling bumalik sa pag-aaral ang kanyang anak upang mas mapabuti pa ang kanyang paglilingkod sa mga Manilenyo.

“Good for him he has an obligation to his district. In fact nagulat lang ako dahil at least bumalik sa pag-aaral. Sabi ko sa kanya anak, masakit magsalita ang mga kalaban sa politika. Masakit kang mapagsabihan ng bobo, tanga, artista ka lang, wala kang alam, masakit yun. I don’t want you to suffer that kind of mental torture from your opponent,” saad ni Domagoso.

“That’s how it is, pero he’s going back to school and doing the rounds, the way it is the way, ewan ko sana mamana niya na hindi rin matulog,” pabirong sabi ni Yorme. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here