MANILA, Philippines – Tiniyak ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na hindi ito magpapalabas ng “whitewashing” o pagtatakip sa ginagawang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura, ayon kay Executive Director Brian Keith Hosaka nitong Martes.
“Napakahalaga na maingat na ma-unravel ng komisyon ang web of corruption na ito. Hindi ito simpleng modus,” ani Hosaka, na idinagdag na tinitiyak ng ICI ang pag-beripika sa lahat ng ebidensya at testimonya dahil may ilan umanong maaaring peke o panlilinlang.
Posible rin aniyang palawakin ang imbestigasyon upang isama ang mga pinuno ng Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng umano’y smuggled luxury cars ng mag-asawang Discaya.
Pinabulaanan din ni Hosaka ang ulat na may miyembro ng ICI na nagbabalak magbitiw, at sinabing, “Hindi totoo na meron miyembro ng ICI na gustong mag-resign. Buo po ang ICI at patuloy silang nag-iimbestiga ayon sa kanilang mandato.”
Lumabas ang pahayag matapos sabihin ni Rep. Edgar Erice na may nakausap siyang miyembro ng ICI na diumano’y “nawawalan ng gana” dahil sa kakulangan ng awtoridad ng komisyon sa imbestigasyon. RNT