MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kabilang na si Senator Erwin Tulfo sa mga maaaring italaga bilang bagong chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee matapos magbitiw si Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Sotto, bilang vice chairperson ng komite, maaaring awtomatikong pumalit si Erwin kung tatanggihan ng limang unang napiling senador ang posisyon. “Magandang choice si Erwin,” ani Sotto.
Kabilang sa mga unang pinagpipilian sina Senators JV Ejercito, Raffy Tulfo, Pia Cayetano, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros. Tumanggi na sina Raffy Tulfo at Pangilinan dahil abala na sa kani-kanilang mga komite, habang pinag-iisipan pa ni Ejercito ang alok. Wala pang pahayag sina Hontiveros at Cayetano.
Aasahang pagdedesisyunan ng majority bloc caucus ngayong Miyerkules kung sino ang itatalagang kapalit ni Lacson.
Nagbitiw si Lacson nitong Lunes matapos umano’y madismaya ang ilang kasamahan sa direksyon ng imbestigasyon hinggil sa katiwalian sa flood control projects, at sa mga alegasyon na pinapaboran umano niya ang ilang opisyal sa Kamara. RNT