CEBU — Umabot sa 62,531 bahay ang nasira at mahigit 669,000 katao ang apektado ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.
Sa kabuuang bilang, 57,677 bahay ang bahagyang nasira at 4,854 ang tuluyang gumuho. Nasira rin ang 733 imprastruktura, habang 72 ang nasawi at 559 ang nasugatan.
May 1,533 indibidwal (381 pamilya) na nananatili sa mga evacuation center, at halos 1,000 pamilya naman ang pansamantalang nakikituloy sa ibang lugar.
Naitala rin ang mga kaso ng landslide, sunog, pagguho ng gusali, at chemical leak matapos ang lindol. Sa mga naapektuhang lugar, 4 sa 8 kalsada at 10 sa 20 tulay ang nananatiling hindi madaanan, habang may 48 lugar pa ring walang kuryente at 10 lugar ang may problema sa komunikasyon.
Idineklara na ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cebu. Aabot sa ₱146 milyon ang naipamahaging tulong sa mga biktima, ayon sa NDRRMC.
Samantala, iniulat ng PHIVOLCS na umabot na sa 9,108 aftershocks ang naitala, 38 dito ang naramdaman, na may lakas mula magnitude 1.0 hanggang 5.1. Patuloy umano ang pagbaba ng dalas ng aftershocks sa mga susunod na araw. RNT