Home METRO Muntinlupa mayor nangunguna sa kampanya vs ‘invisible childhoods’

Muntinlupa mayor nangunguna sa kampanya vs ‘invisible childhoods’

294
0

MUNTINLUPA CITY — Tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang pagkakaroon ng 100% birth registration para sa mga batang nasa Early Childhood Care and Development (ECCD) program sa ilalim ng kampanyang “Batang Rehistrado, Kinabukasan Sigurado.”

Sa direktiba ni Mayor Ruffy Biazon, ipinatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang programang nagbibigay ng libreng birth registration para sa mga batang walang birth certificate. Sagot ng lungsod ang lahat ng kaukulang bayarin.

Layunin nitong tapusin ang backlog sa mga batang hindi pa rehistrado at gawing modelo ang Muntinlupa sa pagpapatupad ng ganitong inisyatiba.

“Kapag walang birth certificate, parang hindi ka umiiral sa mata ng lipunan,” pahayag ni Biazon. “Kaya sinisiguro natin na lahat ng batang Muntinlupeño ay rehistrado — dahil ang batang rehistrado, kinabukasan sigurado.”

Batay sa ipinasang ordinansa, libre ang late registration para sa mga batang limang taong gulang pababa mula sa pamilyang mahihirap. Para naman sa edad anim hanggang labing-pitong taon, may dalawang taon silang palugit upang magparehistro nang walang bayad.

Isinusulong din ang panukalang obligahin ang lahat ng lying-in at ospital sa Muntinlupa na irehistro ang mga bagong silang na sanggol bago umalis ng pasilidad, upang masigurong walang batang lalaking walang legal na pagkakakilanlan.

Ayon sa mga opisyal, itinuturing ng lungsod ang birth registration hindi lamang bilang proseso ng dokumento, kundi bilang karapatan ng bawat bata — isang patunay na sila ay nakikita at pinahahalagahan ng pamahalaan.

“Ang bawat birth certificate ay simbolo na may batang kinikilala ng lipunan,” ani Biazon. “Hangga’t ako ang mayor, walang batang Muntinlupeño ang lalaking hindi nakikita.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here