MANILA, Philippines – Sinisikap ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na makumpleto ang trenching o laying underground ng mga telecommunications cable sa Luzon bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang-diin ni DICT Secretary Henry Aguda na ang fiber optic cable trenching ay magpapatatag sa imprastraktura ng mga telco laban sa lindol, baha, at malalakas na hangin.
Ayon kay Aguda, sisimulan ng ahensya ang paglalagay ng mga kable sa Luzon, kung saan unang isinaaktibo ang National Fiber Backbone.
Tututok umano ang DICT sa middle mile, na nag-uugnay sa internet backbone at sa mga lokal na network. Sa unang yugto, ilalagay ang mga kable sa mga poste bago ito ilipat sa ilalim ng lupa.
Paliwanag pa ng DICT, ang cable trenching o underground cabling ay tumutukoy sa proseso ng paglalagay ng mga kable sa lupa sa pamamagitan ng paghuhukay ng mga trench upang mapabuti ang tibay at kaligtasan ng mga linya ng komunikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden