MANILA, Philippines – Lumobo sa 4.8% noong 2023 mula 2.3% noong 2021 ang kabataang naninigarilyo, ayon sa grupo na Pinoy Aksyon for Governance and the Environment base sa datos ng FNRI-DOST.
Pinakamabilis ang pagtaas sa edad 18–19 (halos 14%), habang ang paggamit ng vape sa hanay ng youth smokers ay tumaas mula 7.5% tungo sa halos 40%.
Ikinakabit ito ng mga opisyal sa pagdagsa ng murang iligal na sigarilyo at walang regulasyong vape.
“When we increased the price of cigarettes, smoking prevalence went down from 27% down to 19%. Unfortunately, nauso naman po ang vaping. Ngayon mas maraming kababayan natin ang nalululong sa vaping,” ani Health Secretary Teodoro Herbosa sa isang forum.
Dagdag pa ng grupo na nakasamsam ang DTI ng ₱41 milyon na halaga ng iligal na vape (Enero–Mayo 2025, 88 brand), ngunit kaunti pa rin ito kumpara sa aktwal na nasa merkado. Tantiya ng independent monitoring, halos 1 sa 5 sigarilyong naibebenta ay iligal, na may presyong ₱40 kada pakete kumpara sa humigit-kumulang ₱130 sa tax-paid brands—mas pinabababa ang hadlang sa mga kabataan.
Tumaas din ang adult smoking sa 23.2% (2023) mula 18.5% (2021)—unang pag-akyat mula 2005 sa kabila ng mga batas kontra-tabako. Babala ng mga advocate, krisis ito sa kalusugan at ekonomiya, dahil ~₱40 bilyon kada taon ang nawawala sa buwis na nakalaan sa Universal Health Care.
Udyok ni Bencyrus Ellorin ng Pinoy Aksyon ang masinsing paghuli sa smuggling routes, iligal na distributors at online sellers.
“Even in online shopping platfroms, fake and illegal cigarettes are so accessible. The country faces both an overwhelmed health system and a new generation locked into nicotine addiction. We ask the government to look into this crisis deeply and implement laws,” babala ng Pinoy Aksyon. RNT