Home METRO Dizon nanguna sa pag-inspeksyon sa bumagsak na tulay sa Cagayan

Dizon nanguna sa pag-inspeksyon sa bumagsak na tulay sa Cagayan

297
0

ALCALA, Cagayan – Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pag-inspeksyon sa bumagsak na Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025.

Ayon kay Secretary Dizon, layunin ng pagbisita na personal na makita ang lawak ng pinsala at matukoy ang mga kinakailangang hakbang para sa agarang rehabilitasyon o posibleng pagtatayo ng panibagong tulay.

Kasabay ng inspeksyon, nakipagpulong din si Dizon kina Cagayan Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay at Alcala Mayor Cristina “Tin” Antonio upang talakayin ang mga hakbang na isasagawa ng pamahalaan matapos ang insidente.

Matatandaang matapos bumagsak ang tulay, agad na nagsagawa ng assessment ang mga engineer mula sa Bureau of Design ng DPWH Central Office upang alamin kung maaari pa itong ayusin o kinakailangang palitan ng bagong tulay.

Tiniyak ni Secretary Dizon na agad popondohan ng DPWH ang pagpapatayo ng pansamantalang tulay at ang rekonstruksiyon ng Piggatan Bridge sa ilalim ng 2026 national budget.

Kasama ng kalihim sa naturang inspeksyon sina Governor Aglipay, Mayor Antonio, at DPWH Regional Director Mathias Malenab.

Samantala, napag-alamang 45 taon na ang nasabing tulay mula nang maipatayo ito. Bumagsak ang daanan matapos sabay-sabay dumaan ang ilang malalaking trak na may mabibigat na kargamento, na ngayon ay nakatakdang kasuhan dahil sa overloading. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here