Home NATIONWIDE US State Dept: Talamak na korapsyon, pangunahing hadlang sa pamumuhunan sa Pinas

US State Dept: Talamak na korapsyon, pangunahing hadlang sa pamumuhunan sa Pinas

320
0

MANILA, Philippines – Tinukoy ng United States Department of State ang malaganap at matagal nang korapsyon sa Pilipinas bilang isa sa mga pangunahing hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.

Sa 2025 Investment Climate Report, sinabi ng ahensya na nananatili ang katiwalian sa pampubliko at pribadong sektor, at ang Pilipinas ay nasa ika-114 na puwesto sa 180 bansa batay sa Transparency International’s 2024 Corruption Perceptions Index, isang antas na halos hindi gumagalaw mula pa noong 2019.

Ayon din sa ulat, tinukoy ng World Economic Forum ang korapsyon bilang isa sa mga pangunahing hadlang sa pagnenegosyo sa bansa.

“The Philippines’ complex, slow, redundant, and sometimes corrupt judicial system inhibits the timely and fair resolution of commercial disputes,” ayon sa State Department.

Dagdag pa nito, madalas iwasan ng mga dayuhang mamumuhunan ang paghahain ng kaso dahil sa bagal ng proseso, kawalan ng katiyakan, at takot sa korapsyon, bukod pa sa kakulangan ng karanasan ng ilang korte sa mga kasong may kinalaman sa teknolohiya at agham.

Ayon din sa ulat, nakatanggap ang Embahada ng Amerika sa Maynila ng mga ulat mula sa mga negosyanteng Amerikano hinggil sa labis na masusing inspeksyon, hindi pantay na customs charges, at hinihinging “facilitation fees” o suhol mula sa ilang opisyal ng adwana.

“While the Philippine bureaucracy can be slow and opaque, the business environment has been better in special economic zones,” dagdag ng State Department.

Wala pang pahayag ang Malacañang hinggil sa naturang ulat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here