Home HOME BANNER STORY SEC: Iskandalo sa flood control, nagdulot ng P1.7-T lugi sa stock market

SEC: Iskandalo sa flood control, nagdulot ng P1.7-T lugi sa stock market

320
0

MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Securities and Exchange Commission (SEC) chairperson Francis Lim nitong Miyerkules na ang mga isyu ng korapsyon, partikular sa mga proyektong flood control, ay nagdulot ng matinding pagkawala ng tiwala ng mga mamumuhunan, dahilan ng ₱1.7 trilyong pagbagsak sa halaga ng merkado sa loob lamang ng tatlong linggo.

Sa kanyang talumpati sa Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), sinabi ni Lim na “malalim ang yumanig sa tiwala ng publiko” dahil sa iskandalo.

“Investors aren’t fleeing because of weak fundamentals; they’re fleeing because of weak integrity,” ani Lim. “It’s a stark reminder that corruption is a weapon of mass wealth destruction.”

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Kongreso at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kontrobersiya, matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng ₱545-bilyong pondo ng flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista, na tinawag niyang “nakababahalang pagtatasa.”

Bagama’t bahagyang tumaas ang PSEi sa 6,083.83 nitong Martes, mas mababa pa rin ito kumpara sa 6,149.13 noong nakaraang buwan — patunay, ayon kay Lim, ng “krisis sa tiwala.”

“This is not just a market issue. It’s a trust issue,” ani Lim. “Rebuilding that trust is one of the SEC’s most urgent missions.”

Sinabi rin ni Lim na naghahanda ang SEC ng Strategic Plan upang palakasin ang proteksyon ng mga mamumuhunan, i-modernisa ang regulasyon sa pamamagitan ng digital innovation, at palawakin ang access sa kapital.

Samantala, inatasan ni Marcos ang DPWH na repasuhin ang badyet nito at naglunsad ng website kung saan maaaring ireport ng publiko ang mga iregularidad sa flood control projects.

“When trust breaks down, capital dries up,” babala ni Lim. “Kapag may tiwala sa merkado, dumadaloy ang kapital—at kapag dumadaloy ang kapital, umuunlad ang ekonomiya.”

Ayon naman kay Management Association of the Philippines (MAP) president Al Panlilio, nananatiling interesado ang ilang mamumuhunan sa bansa ngunit kailangan ng gobyerno na patunayan ang seryosong laban nito sa katiwalian upang maibalik ang tiwala at matuloy ang mga proyekto sa imprastruktura. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here