Home NATIONWIDE QC naka-alerto sa paglobo ng arawang kaso ng dengue

QC naka-alerto sa paglobo ng arawang kaso ng dengue

267
0

MANILA, Philippines – Naka-alerto ang Quezon City Health Department matapos umabot sa 993 ang naitalang kaso ng dengue sa lungsod mula Setyembre 10 hanggang Oktubre 7, tumaas ng 30 porsyento sa loob lamang ng dalawang linggo, ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).

Ayon sa QCESD, patuloy ang “persistence” at “upward trend” ng sakit sa lungsod, na may average na 40 kaso bawat araw. Karamihan sa mga tinamaan ay mga lalaki at mga batang nasa edad ng pag-aaral.

Naitala rin ang apat na nasawi mula sa Barangays Batasan Hills, Doña Imelda, Krus na Ligas at Roxas. Ang mga biktima, edad 4 hanggang 14, ay dinala sa ospital dalawa hanggang apat na araw matapos makaranas ng sintomas.

Sa kabuuang bilang ng kaso, 57 porsyento o 565 ay mga lalaki habang 43 porsyento o 428 ay mga babae. Umabot naman sa 381 o 59 porsyento ng mga kaso ang mga batang edad 5 hanggang 17.

Kalahati o 509 sa mga kaso ay “dengue without warning signs,” habang 472 ay “dengue with warning signs,” at 12 o 1 porsyento ang “severe dengue.”

Kabilang sa mga sintomas ng dengue ang lagnat na tumatagal nang higit sa dalawang araw, matinding pananakit ng tiyan, tuloy-tuloy na pagsusuka, pagdurugo ng gilagid o ilong, panghihina, at hirap sa paghinga.

Hinimok ng QCESD ang mga residente na agad kumonsulta sa health center o ospital sa oras na makaranas ng sintomas upang maiwasan ang paglala ng sakit.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa Barangays Batasan Hills (82), Commonwealth (61), Holy Spirit (59), Tatalon (46) at Pasong Tamo (44).

Samantala, pinakamataas na bilang ng mga kaso sa mga ospital ang naitala sa Quezon City General Hospital (180), Rosario Maclang Bautista General Hospital (179), at National Children’s Hospital (138). RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here