MANILA, Philippines – Nakarekober ng ilang pampasabog ang tropa ng pamahalaan sa loob ng isang compound sa Isulan, Sultan Kudarat matapos ang impormasyon mula sa isang sibilyan, ayon sa ulat ng Philippine Army nitong Biyernes.
Ayon kay Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, agad na rumesponde ang mga sundalo ng 7th Infantry Battalion (7IB) matapos makatanggap ng ulat tungkol sa mga hinihinalang pampasabog sa lote ng isang Mutin Ali sa Sitio Kimondo, Barangay Lagandang.
Sa isinagawang clearing operation kasama ang Army Explosive Ordnance Disposal at iba pang yunit, nasamsam ang apat na rocket-propelled grenade rounds at dalawang rifle grenade.
Sinabi ni Lt. Col. Tristan Vallescas, commander ng 7IB, na itinanggi ng may-ari ng lupa ang pagmamay-ari ng mga pampasabog.
“This successful recovery operation was made possible through the vigilance and cooperation of our fellow citizens. We encourage the community to remain proactive in reporting threats,” ani Vallescas. Santi Celario