DAVAO CITY- HIMAS rehas ngayon ang isang ama matapos ireklamo ng kanyang asawa ng panggagahasa sa apat na taong gulang na babae nilang anak, iniulat kahapon, Oktubre 9 sa lungsod na ito.
Nasa kustodiya ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na itinago sa pangalan Dodong, nasa hustong gulang at residente sa nasabing lungsod.
Batay sa pahayag ina ng bata, nagsumbong ang kanyang anak tungkol sa ginawang panggagahasa sa kanya ng ama, kamakailan.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang ina ng bata at pormal na nagsampa ng kaukulang reklamo laban sa kanyang asawa.
Sa isinagawang follow-up examination ng medico-legal team ng NBI noong Oktubre 6, 2025 positibo na ginalaw ng suspek ang kanyang anak sa nakitang senyales ng sexual penetration sa genital area ng bata.
Nahaharap ngayon sa kasong Qualified Rape of a Minor sa ilalim ng RA 11648 at RA 8353 ang suspek at hindi pinayagan ng korte na makapagpiyansa. Mary Anne Sapico