MANILA, Philippines – Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katoliko na magsuot ng puti at maglagay ng puting laso bilang simbolo ng pagsisisi, kalinisan, at pag-asa sa gitna ng mga sunod-sunod na kalamidad sa bansa.
Sa inilabas na pahayag nitong Sabado, sinabi ni CBCP president Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David na bahagi ito ng National Call to Prayer and Public Repentance na ipagdiriwang tuwing Linggo hanggang sa kapistahan ng Christ the King.
“Manumbalik tayo sa Diyos nang may kababaang-loob at pusong nagsisisi,” ani David, na hinikayat din ang mga simbahan na patunugin ang kampana bilang panawagan sa panalangin at reporma.
Ayon sa mungkahi ni Bishop Jimmy Afable, hinikayat ng CBCP ang publiko na magsuot ng puti tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre at maglagay ng puting laso sa mga tahanan at simbahan bilang panalangin para sa kalinisan, pananagutan, at mabuting pamamahala.
“Ang puti ay sagisag ng ating hangarin sa kabanalan at pagbabago,” ani David, na nagwakas sa pagbanggit ng Awit 51: “Linisin mo ako, O Diyos, at bigyan ng bagong puso at matatag na espiritu.” RNT