MANILA, Philippines – Pormal nang naupo si Luis Antonio Cardinal Tagle bilang pinuno ng Suburbicarian Diocese of Albano sa Italya nitong Linggo ng umaga (Sabado ng gabi sa Italya), isang mahalagang yugto sa kanyang tungkulin bilang Cardinal Bishop sa College of Cardinals.
Sa isang Papal Bull, hinirang siya ni Pope Leo XIV sa sinaunang diyosesis, at pinuri ang kanyang “extraordinary intellectual gifts, sensibility, competence, wisdom, fidelity, and zealous industriousness” bilang Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization.
Ang Albano ay isa sa pitong makasaysayang diyosesis sa paligid ng Roma na tradisyunal na ibinibigay sa pinakamataas na antas ng mga kardinal. Dinaluhan ng mga lokal na pari, Obispo Vincenzo Viva, at mga miyembro ng komunidad ng mga Pilipino sa Roma ang seremonya, kung saan dalawa pang kardinal, tatlong obispo, at mahigit 100 pari ang nagmisa.
Itinalaga si Cardinal Tagle sa Albano matapos maging si Cardinal Robert Prevost bilang Pope Leo XIV noong Mayo, na nag-iwan ng bakanteng posisyon hanggang pormal itong italaga kay Tagle noong Mayo 24.
Una siyang itinaas bilang Cardinal Bishop ni Pope Francis noong 2020. RNT