MANILA, Philippines – Inudyukan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Department of Budget and Management (DBM) na tugunin ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isauli ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth.
“The President’s order was issued last September 20 during his visit to the Dr. Jose Fabella Memorial Hospital in Manila. I understand that since then, the P60 billion has not been returned to PhilHealth,” giit ni Rodriguez.
Ayon sa mambabatas, ang kabiguan ng DBM na sumunod sa direktiba ni Pangulong Marcos ay lalong magbibigay ng pag-aalinlangan sa taumbayan na paniwalaan ang sinseridad ng pahayag ng Pangulo na may sapat na pondo ang bansa, dahil ang pondo mula sa pagpapahinto sa mga flood control projects ang gagamitin upang maibalik ang alokasyon ng PhilHealth.
“Do millions of PhilHealth members still expect to get back the P60 billion taken from them? Malacañang and the DBM should tell them the real score on their money.”
Nanawagan din si Rodriguez, maging sa Supreme Court, na ilabas na ang pasiya nito ukol sa constitutionality at pagiging legal ng mandato ng Kongreso sa 2025 national budget na ipinatupad sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF) circular kaugnay sa paglilipat ng kabuuang P89.9 bilyong PhilHealth funds sa national treasury.
Magugunitang kinuwestyon nina dating Senador Koko Pimentel at retired SC Justice Antonio Carpio ang congressional mandate at ang kautusan ng DOF sa Korte Suprema.
Patuloy na naninindigan si Rodriguez na ang naging kautusan ng Kongreso at ng DOF ukol sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth ay unconstitutional at illegal dahil hindi nito mababalewala o mapapawalang-saysay ang mga special laws ukol sa paglalaan ng pondo sa PhilHealth at sa pagpopondo ng universal health care para sa mga Pilipino.
Marapat lamang aniya na agad na ipag-utos ng Supreme Court ang mabilisang pagsasauli ng may P60 bilyong pondo sa PhilHealth na dapat magmula sa savings ng gobyerno at hindi dapat manggaling sa 2026 national budget.
Ang PhilHealth ay nakapag-remit ng kabuuang P60 bilyon sa dalawang pagkakataon sa national treasury bilang pagsunod sa DOF circular, subalit ang Supreme Court ay naglabas ng temporary restraining order na nagbabawal o nagpapahinto sa turnover ng natitira pang P29.9 bilyon. Meliza Maluntag