Home TOP STORIES PNP Chief Nartatez, heneral na may takot sa Diyos – Goitia

PNP Chief Nartatez, heneral na may takot sa Diyos – Goitia

266
0

MANILA, Philippines – Ibinahagi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na sa panahon ngayon ay madalas sinusukat ang liderato sa ranggo o kapangyarihan, ngunit si PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ay bukod-tangi dahil siya ay tahimik, may prinsipyo, at higit sa lahat, may pananampalataya.

Sa unang araw ng Novena Mass ng Nuestra Señora del Pilar de Manila sa Sta. Cruz Parish, Maynila, isang tagpong hindi malilimutan ang nasaksihan dahil si Chief Nartatez — isang heneral — ay lumuhod sa harap ng altar, hindi bilang pinuno kundi bilang lingkod ng Diyos. Ang misa ay pinangunahan ni Cardinal Jose Advincula.

Para kay Goitia, ang simpleng kilos na iyon ay may malalim na kahulugan. “Kapag ang isang makapangyarihan ay lumuluhod at nagpakumbaba sa harap ng Diyos, itinatanghal niya hindi lang ang sarili kundi ang buong institusyong kanyang kinakatawan,” ani Goitia.

Hindi lang basta seremonya ang pagdalo ni Chief Nartatez; isa itong patunay ng kanyang pananalig. Sa loob ng serbisyo, palagi niyang pinapaalala na ang disiplina at pananampalataya ay dapat magkasama, dahil hindi lang utak at tapang ang kailangan sa paglilingkod kundi puso at gabay ng Diyos.

Ayon sa PNP, sinusuportahan ni Nartatez ang mga programang nagtataguyod ng pananampalataya at kabutihan upang mapatatag ang tiwala sa pagitan ng kapulisan at mamamayan. “Ang pamumuno ay hindi lang trabaho ng isip at kamay,” sabi ni Goitia. “Ito ay tungkulin ng puso. Si Chief Nartatez ay namumuno nang may kababaang-loob at tapang na manampalataya.”

Bilang pinakamataas na opisyal ng PNP, pasan ni Nartatez ang bigat ng tungkulin at responsibilidad. Pero sa likod ng uniporme at ranggo, isang taong may malalim na pananampalataya ang makikita — isang lider na alam kung saan nanggagaling ang kanyang katatagan.

“Kapag pananampalataya ang gabay sa pamumuno, ang integridad ay nagiging likas,” ani Goitia.

“Iyan ang nakikita natin kay Chief Nartatez — isang pinunong hindi lang tagapagpatupad ng batas kundi lingkod din ng Diyos,” dagdag pa ni Goitia.

Ang imahe ng heneral na lumuluhod at nagpapakumbaba sa harap ng obispo ay paalala na walang ranggo o posisyon ang mas mataas kaysa sa Diyos. — RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here