Home TOP STORIES Calajate, sinampahan ng patong-patong na kaso

Calajate, sinampahan ng patong-patong na kaso

276
0

Sinampahan ng kasong perjury sa Pasay City Prosecutor’s Office si Engineer Even Calajate, matapos umano siyang magbigay ng maling impormasyon sa kanyang sinumpaang salaysay sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services hinggil sa mga reklamo sa serbisyo ng Primewater, isang water service provider. Ang naturang pagdinig ay ginanap noong katapusan ng Setyembre.

Batay sa reklamo ng mga nagrereklamong residente na pawang mga dating tenant sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan, wala umano silang tiwala sa kredibilidad ni Calajate at sinasabing ginagamit lamang siya ng ilang natalong pulitiko upang lituhin ang publiko at siraan ang kasalukuyang administrasyon gamit ang isyu ng kakulangan ng tubig.

“Direkta tayong hinaharap ng mga maling impormasyon at fake news na nagmula sa testimonya ni Calajate,” ayon sa mga complainant.

Ayon pa sa isinampang reklamo, ang mga pahayag umano ni Calajate ay nagdulot ng kalituhan sa mga konsumer at nakalikha ng maling pananaw ng publiko tungkol sa mga isyung nakaaapekto sa serbisyo ng tubig.

Idinagdag pa ng mga nagrereklamo na naligaw umano ang direksyon ng pagdinig matapos sabihin ni Calajate na ang lokal na kongresista at alkalde ng San Jose del Monte ang umano’y promotor ng Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng San Jose del Monte Local Water District at ng Primewater, na pag-aari ng mga Villar.

“Sinadyang magbigay ng maling pahayag ni Calajate sa halip na itaguyod ang pananagutan,” dagdag pa nila.

Batay pa sa reklamo, inakusahan si Calajate ng umano’y pagbibigay ng salaysay na walang sapat na ebidensya, bagay na nagdulot umano ng kalituhan sa komite at ng maling pag-unawa sa mga ugat ng problema sa serbisyo ng tubig.

“Hindi masasagot ang krisis sa tubig ng mga gawa-gawang kuwento lamang,” pahayag pa ng mga complainant. “Sa halip na makatulong, nagdudulot pa ito ng pagkaantala sa matagal na naming hinihintay na solusyon.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here