Home OPINION MANILA CITY COUNCIL NAKAAMOY NG PANANABOTAHE

MANILA CITY COUNCIL NAKAAMOY NG PANANABOTAHE

308
0

TILA nakaaamoy ng pananabotahe ang Sangguniang Panlungsod ng Maynila sa agarang pagputol ng kontrata ng pribadong health service provider ng lokal na pamahalaan na nagdulot ng perwisyo sa sistemang pangkalusugan sa lungsod.

Kanya-kanyang buhos ng galit, sama ng loob, at panggigigil ang mga konsehal nang talakayin sa regular na sesyon nitong Huwebes ng hapon ang ginawang agarang pagwawakas sa kontrata ng pribadong service provider na “Wireless Access for Health” (WAH) na nangangasiwa sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan ng lungsod sa kanyang mamamayan.

Sabi kasi ni Majority Floor Leader Konsehal Mon Yupangco, hanggang Disyembre pa pala ang kontrata ng service provider sa pamahalaang lungsod pero nakapagtatakang bigla itong winakasan kaagad nang wala umanong malinaw na paliwanag.

Upang maunawaan ng mga nanonood, nagmamasid, at nakikinig sa sesyon, ipinaliwanag ni 3rd District Councilor Timothy “Tol” Oliver Zarcal na tumayong pansamantalang presiding officer ng konseho, na hindi pwedeng i-terminate ng mga pribadong kompanya ang kanilang kontrata sa pamahalaang lungsod nang hindi isinasangguni at sinasang-ayunan ng Sangguniang Panlungsod.

Nang tanungin nina Konsehal Elmer Par, Jaybee Hizon, at Juan DJ Bagatsing kung kailan at saang administrasyon pumasok sa kontrata ang WAH, napagalaman nila na sa nakaraan pang administrasyon ito pumasok sa kontrata.

Ang naturang service provider kasi ang umaasikaso at nagpapatupad ng Electronic Medical Record system para maging mabilis ang registration at konsultasyon ng mga pasyenteng residente ng Maynila dahil madali na lamang para sa mga health workers na makuha ang history ng pasyente para maging episyente at tama ang pagsasailalim sa kanila sa pagsusuri.

Dahil sa pagputol ng kontrata, magiging mano-mano na naman ang rehistrasyon at konsultasyon kaya’t hindi lamang health workers ang nahihirapan, lalo na ang mga pasyente, partikular ang mga matatanda.

Sinabi pa ni Councilor DJ Bagatsing na hindi niya mawari ang “timing” nang pagputol ng kontrata ng service provider na kinuha ng nakaraang administrasyon dahil ginawa ito, isang araw matapos ipagmalaki pa ni Mayor Isko Moreno sa kanyang ika-100-araw na triple na ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ng Maynila.

Sinabi ni Zarcal na hihilingin nila sa legal team ng Maynila ang paghahain ng kaso at pagpapanagot sa naturang service provider habang nais naman ni Bagatsing na isagawa ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee at ipatawag ang WAH upang alamin kung sino ang nag-udyok sa kanilang putulin ng biglaan ang kontrata.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here