MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na siya mismo ang mangunguna sa imbestigasyon sa mga ulat ng overpriced rocknetting at iba pang iregular na proyekto sa Cordillera Administrative Region (CAR).
“I intend to see Mayor Magalong to look at his evidence of rocknetting… I intend to be hands on on these things,” ani Remulla sa isang press briefing nitong Lunes.
Nauna nang iniulat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga nasirang at umano’y overpriced rocknetting projects, gayundin ang kuwestiyonableng pagbili ng solar lights, roller barriers, at cat’s eye reflectors sa rehiyon.
Hiniling ni Remulla sa publiko ang pasensiya habang pinabibilis ng kanyang tanggapan ang imbestigasyon. “Kami po ay hindi patulog-tulog. Dapat baguhin ang kultura dito sa Ombudsman para mas mabilis ang pagkilos,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang magkaroon ng sense of urgency at koordinasyon sa hanay ng Ombudsman. “Dapat sabay-sabay kami sa paggalaw, hindi pwedeng may mabagal,” dagdag niya.
Ayon kay Remulla, magpapatuloy ang Department of Justice (DOJ) sa sarili nitong imbestigasyon at isusumite sa kanyang opisina ang mga natuklasan.
Samantala, tinutulan ng Ombudsman ang panukalang blanket immunity para kina Curlee at Sarah Discaya ng St. Gerrard Construction, na sangkot sa mga umano’y iregular na flood control projects.
“To give a blanket immunity might cause disservice to our people kasi di natin mapapanagot ng husto ang dapat managot,” babala ni Remulla. Santi Celario