Home NATIONWIDE Recto pinakikilos mga ahensya, LGU laban sa banta ng El Niño

Recto pinakikilos mga ahensya, LGU laban sa banta ng El Niño

3
0

MANILA, Philippines – PINAGHAHANDA na ng Malakanyang ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan (LGUs) laban sa El Niño upang matiyak na may sapat na tubig, pagkain at kuryente, at maprotektahan ang kabuhayan at kalusugan ng mga Pilipino.

Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang pagpupulong ng mga pangunahing ahensya at lokal na opisyal noong Nobyembre 4 upang tiyaking handa ang bansa bago maramdaman ang inaasahang mas matinding epekto ng El Niño sa Enero 2027.

Binigyang-diin ni Recto na kailangang unahin ang mga komunidad na pinakananganganib sa kakulangan ng tubig, matinding init, pagkasira ng pananim at posibleng problema sa suplay ng kuryente.

“Mararamdaman ang El Niño sa buong bansa, pero iba-iba ang magiging epekto nito sa bawat lugar. May komunidad na tubig ang pangunahing problema. Sa iba, kuryente o matinding init. Kaya dapat alam natin kung sino ang pinakananganganib at anong tulong ang kailangan nila,” ani Recto.

Inatasan niya ang mga ahensya na gumawa ng mga mapa ng mga lugar na posibleng makaranas ng kakulangan sa tubig at matinding init upang matukoy kung saan dapat unahing maghatid ng tulong at kagamitan.

Kabilang sa mga lugar na binabantayan ang Pampanga at Cavite dahil sa posibleng problema sa suplay ng tubig.

Hiniling din ni Recto sa mga samahan ng LGUs na alamin ang pangangailangan ng kanilang mga miyembro, kabilang ang mga generator, solar power system, imbakan ng tubig at iba pa.

Bukas din si Recto sa pagrepaso sa mga prayoridad ng Local Government Support Fund (LGSF) upang matulungan ang mga LGU na pondohan ang kanilang paghahanda laban sa El Niño.

Samantala, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat pa ang suplay ng tubig. Noong Nobyembre 3, nasa 208.70 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mataas sa minimum operating level na 180 metro.

Gayunman, patuloy ang paghahanda para maiwasan ang kakulangan sa tubig, kabilang ang maingat na pamamahala sa suplay mula sa mga dam, paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng tubig at pagpapalakas ng mga programa sa pagtitipid.

Hinihikayat din ang mga pribadong kumpanya na tumulong sa pagpapaunlad ng mga sistema ng suplay ng tubig sa mga komunidad na malapit sa kanilang operasyon.

Nag-alok naman ang Department of Health (DOH) ng tulong sa mga LGU sa pagsusuri ng mga bagong pinagkukunan ng tubig upang matiyak na ligtas itong inumin.

Para sa kuryente, sinabi ng Department of Energy (DOE) na pina-iigting nito ang maintenance ng mga planta, pinabibilis ang pagproseso ng mga permit, at tinitiyak ang sapat na reserba ng gasolina at iba pang panggatong.

Pinalalawak din ang paggamit ng battery storage at mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.

Binibigyang-pansin din ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga ospital, paaralan at pasilidad ng tubig, lalo na sa panahon ng matinding init.

Tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa at patuloy nitong binabantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang bigas.

Kasama sa paghahanda ang pagpapalawak ng solar-powered irrigation systems sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration (NIA) upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon kahit kulang ang ulan.

Ipinag-utos din ng Presidente na gawing mas mabilis at simple ang proseso ng pagbibigay ng fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisda upang agad nilang mapakinabangan ang tulong.

Para naman sa mga manggagawa at pamilyang maaaring mawalan ng pagkakakitaan dahil sa El Niño, nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng pansamantalang trabaho at iba pang tulong.

Mayroon ding Emergency Cash Transfer program ang DSWD na maaaring magbigay ng direktang ayuda sa mga indibidwal at pamilyang maaapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis.

Sa kabilang dako, kasama rin sa paghahanda ang pagprotekta sa mga mag-aaral, manggagawa at iba pang mamamayan laban sa matinding init.

Ayon sa Department of Education (DepEd), makatutulong ang bagong Executive Order No. 130 sa mas malinaw na pagpapasya kung kailan dapat suspindihin o ibalik ang mga klase batay sa aktuwal na kondisyon sa bawat lugar.

Patuloy din ang mga programa para magkaroon ng solar power ang mga paaralan at mapabuti ang bentilasyon at pagpapalamig sa mga silid-aralan.

Makikipagtulungan naman ang DOH sa mga LGU upang matukoy ang mga residenteng higit na nanganganib sa matinding init, kabilang ang mga nakatatanda, bata at may karamdaman.

Tutulong ang mga barangay health worker sa regular na pagbisita at pagmonitor sa mga residenteng nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.

Samantala, binigyang-diin sa pulong na hindi sapat ang iisang plano para sa buong bansa dahil magkakaiba ang hamon na kinakaharap ng bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad.

Kaya mahalagang direktang makilahok ang mga lokal na opisyal sa pagtukoy ng mga problemang dapat unahin at mga kagamitang kailangang ihanda.

Dumalo sa pulong sina Quezon City Mayor Joy Belmonte ng ULAP, San Juan City Mayor Francisco Zamora ng LCP, LMP National President Mayor Faustino “Inno” Dy V, Vice Governor Francis Faustino “Kiko” A. Dy, at LnB National President Jessica Dy.

Kasama rin sina DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla, DSWD Secretary Rexlon Gatchalian, DOH Secretary Edwin Mercado, DOTR Secretary Vince Dizon, DPWH Secretary Giovanni Lopez, DOLE Secretary Francis Tolentino at PCO Secretary Lino Cayetano.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng DA, DepEd, DOE, DOST, DENR, OCD, LWUA, NIA, NWRB at MWSS. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here