MANILA, Philippines – Hinamon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan si bagong talagang Chief Justice Rodil Zalameda na pangunahan ang pagreporma ng sistema ng katarungan ng Pilipinas upang tuluyan ang maibalik ang tiwala ng publiko sa Hudikatura.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on justice and human rights, na malaking hamon kay Zalameda ang Pagbabalik ng tiwala ng mamamayan sa hudikatura.
“Hamon na maging mas mabilis na pagresolba ng mga kaso, patas na pagpapatupad ng batas, at isang sistemang walang puwang ang korapsyon at kawalan ng pananagutan,” giit ni Pangilinan.
Ayon kay Pangilinan, ika-97 sa 143 bansa at jurisdictions ang Pilipinas sa 2026 World Justice Project Rule of Law Index.
“Isang paalala na napakarami pang kailangang gawin: malawak, masinsinan, at tuluy-tuloy na pagbabago na mararamdaman ng karaniwang Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay.”
“Traffic violations man, online scams, korapsyon, o mas mabibigat na krimen, dapat
abot-kamay at walang kinikilingan ang hustisya,” diin ng senador.
Sinabi ni Pangilinan na umaasa ang sambayanan na bibigyang-prayoridad ng bagong chief justice na mabawasan ang napakalaking backlog ng mga kaso sa ating mga hukuman.
“Kailangan ng malinaw at nasusukat na mga target sa susunod na mga taon: mas mabilis na pagresolba ng mga kaso, dagdag na mga hukuman sa mga lugar na kulang at sobrang siksikan ang mga korte, pagbabawas sa dami ng kasong hinahawakan ng bawat hukom, at malaking pagbaba sa mga bakanteng posisyon ng mga hukom,” aniya.
“Kailangan ding harapin ang korapsyon sa loob mismo ng sistema ng hustisya. Hindi maaaring
makipagkompromiso pagdating sa integridad ng hudikatura — sa pagtatalaga at pag-promote ng mga opisyal, oversight, at pagdidisiplina sa mga nagkakasala,” dagdag ng senador.
Kasabay nito, hiniling ng senador na muling pulungin ang Judiciary Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JELACC) upang magsilbing tuluy-tuloy na plataporma para sa koordinasyon ng ehekutibo, lehislatura, at hudikatura sa paglalaan ng pondo at pagsusulong ng mga repormang institusyonal.
“Ang sistema ng hustisya ang lupang pinagtutubuan ng kaunlaran. Umaasa tayong sa
pamumuno ni Chief Justice Zalameda, mapagyayaman ang lupang ito sa pamamagitan ng integridad, pagiging patas, kahusayan, at pananagutan,” aniya.
“Itong uri ng hustisya ang dasurb ng sambayanang Pilipino,” giit ng senador. Ernie Reyes