MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)–3 ang dagdag-sahod na ₱50 hanggang ₱80 para sa mga manggagawa sa Central Luzon, at ₱500 dagdag para sa mga kasambahay, ayon sa DOLE nitong Martes.
Batay sa Wage Order No. RBIII-26, makatatanggap ng ₱20 dagdag sahod ang mga non-agriculture workers simula Oktubre 30, at panibagong ₱20 sa Abril 16, 2026, kaya’t aabot na sa ₱600 kada araw ang minimum wage.
Para sa agriculture sector, magdadagdag ng ₱20 ngayong Oktubre at ₱30 sa Abril, kaya’t magiging ₱570 ang arawang sahod.
Sa retail/service sector, may ₱20 at ₱50 dagdag sa dalawang tranches, kaya’t magiging ₱590 kada araw.
Sa Aurora province, hiwalay ang wage order:
Non-agri: +₱60 → ₱560
Agri: +₱60 → ₱545
Retail/service: +₱80 → ₱515
Sakop ng pagtaas ang mga probinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales, habang may sariling wage schedule ang Aurora.
Para naman sa mga kasambahay, aprubado sa ilalim ng RBIII-DW-05 ang ₱500 dagdag, kaya magiging ₱6,500 na ang buwanang sahod.
Saklaw nito ang lahat ng live-in at live-out domestic workers gaya ng katulong, yaya, kusinero, hardinero, at labandera. RNT