MANILA, Philippines – Binalaan ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga mambabatas na ang panukalang ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12% tungong 10% ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa kita ng gobyerno at pagtaas ng utang.
“Kung magbabawas pa tayo ng revenue, baka pati ang current operating expenses natin uutangin na rin natin,” ayon kay Recto sa pagdinig ng Senado para sa ₱37.8-bilyong budget ng Department of Finance para sa 2026.
Si Recto, na may-akda ng Expanded VAT Law noong 2005, ay nagbabala rin na ang pagbaba ng VAT ay maaaring makaapekto sa katatagan ng pananalapi ng bansa at magresulta sa credit rating downgrade.
Dagdag niya, bagaman may kapangyarihan ang Kongreso na repasuhin ang VAT system, mas prayoridad ng DOF ang pagpapalakas ng tax administration at compliance kaysa sa pagbabawas ng buwis.
Ang 2026 budget ng DOF ay nakaayon sa Medium-Term Fiscal Framework na naglalayong ibaba ang deficit sa mas mababa sa 3% ng GDP pagsapit ng 2028 at mapanatili ang investment-grade credit rating ng Pilipinas. RNT