Home NATIONWIDE Kaso sa maanomalyang flood control projects ipinaubaya na ng DOJ sa Ombudsman

Kaso sa maanomalyang flood control projects ipinaubaya na ng DOJ sa Ombudsman

320
0

MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong graft, malversation, perjury, at falsification laban sa mga opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office at mga kontratista na sangkot umano sa limang ghost flood control project.

Personal na tinanggap ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang referral nitong Martes.

“Low-hanging fruits ito. Open and shut cases. May lumabas na pera, may tumanggap, pero walang proyekto,” ani Remulla, na nagsabing posibleng matapos ang ebalwasyon sa loob ng 10 hanggang 15 araw.

Kabilang sa mga irerekomendang kasuhan sina dating district engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, project engineer Niño Lawrence Morales, chief accountant Juanito Mendoza, BAC member Florayn Simbulan, cashier Christina Mae Pineda, at contractor Sally Santos ng SYMS Construction.

Ayon kay DOJ OIC Fredderick Vida, ang unang batch ng mga kasong ito ay para lamang sa mga opisyal na mas mababa sa Salary Grade 27, kaya sa regional trial courts ito isasampa.

“Bahagi pa lang ito. Patuloy ang aming imbestigasyon, at siguradong may kasunod pa, kabilang ang mas matataas na opisyal,” ani Vida.

Nauna nang inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa rin ng kaso laban kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, Rep. Zaldy Co, at ilang dating opisyal ng DPWH. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here