KUALA LUMPUR — Tinatayang 6,000 estudyante sa Malaysia ang tinamaan ng influenza, dahilan para ipansamantalang isara ang ilang paaralan bilang pag-iingat, ayon sa opisyal ng Ministry of Education.
Ayon kay Education Director-General Mohd Azam Ahmad, ginagamit ng gobyerno ang karanasan noong COVID-19 pandemic upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
“Pinaalalahanan namin ang mga paaralan na sumunod sa mga health guideline, magsuot ng face mask, at iwasan ang malalaking pagtitipon,” ani Azam.
Hindi tinukoy kung ilang paaralan ang isinara, ngunit may mga kumpirmadong kaso sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Ministry of Health, may naitalang 97 influenza clusters sa buong Malaysia, karamihan sa mga paaralan at kindergarten—malaking pagtaas mula sa 14 clusters noong nakaraang linggo. RNT