MANILA, Philippines – Nakatakdang humiling ang Commission on Elections (Comelec) ng ₱1.3 bilyong karagdagang pondo mula sa Senado para sa pagsasagawa ng Bangsamoro parliamentary elections na itinakda sa 2026 matapos itong ipagpaliban.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, magpapadala sila ng liham kay Senator Sherwin Gatchalian, pinuno ng Senate Finance Committee, upang hilingin ang dagdag na pondo.
“Susulat kami kay Senator Gatchalian… baka sakaling mahabol pa namin ang karagdagang budget patungkol dito sa Bangsamoro,” ani Garcia.
Inihayag din ng Comelec na humigit-kumulang ₱1.2 bilyon ng pondo ng bayan ang nasayang matapos ipagpaliban ng Korte Suprema (SC) ang halalan noong Oktubre 13 at ideklarang unconstitutional ang Bangsamoro Autonomy Acts 58 at 77.
Mahigit ₱500 milyon dito ay ginastos sa pag-imprenta ng 2.3 milyong opisyal na balota.
Inatasan ng SC ang Comelec na ituloy ang halalan hindi lalampas sa Marso 31, 2026, habang ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay kailangang tapusin ang pagtakda ng mga distrito bago ang Oktubre 30, 2025. RNT