MAY “cooking show” na naman bang nagaganap sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC?
Ayon sa isang insider sa Telco Giant na nagpaabot ng info, nag-reach out daw itong si CICC Acting Executive Director Renato Paraiso sa kanilang kompanya at iniaalok ang isa sa pinakamalaking kontrata ng ahensya na nagkakahalagang ilang daang milyong piso.
Nagsalita ang Telco Giant whistleblower dahil hindi niya masikmura na pumapasok na sa maruming kalakaran ang kanyang pinapasukang pribadong kompanya na kanyang pinagsisilbihan sa loob ng ilang dekada. Napakataas ng pagkilala niya sa integridad ng kanilang kompanya kung kaya ayaw niya itong masira. Saka noon pa man ay tutol na tutol siya sa pag-rig ng government contracts, lalo’t mainit sa kasalukuyan ang flood control ghost projects.
Ibinunyag ng insider na “ka-tandem” ni ED Paraiso sa multi-million-peso hustle ang isang ex-Undersecretary ng Department of Information and Communications Technology na Telco Giant consultant na sa ngayon. Ang Usec. ay sinibak sa puwesto kamakailan.
Minsan na ring naging matunog ang pangalan ng dalawa dahil sa “cooking shows” umano na kanilang pinagtambalan noong magkasama pa sila sa DICT. Ilan daw dito ang ilang phases ng National Broadband Plan at pati na ang “Free Wi-Fi For All” program ng pamahalaan. Siguro’y dapat i-lifestyle check sina ED at ang sinasabi nating Telco Giant consultant para madepensahan din nila ang kanilang mga sarili sa proper forum.
Alam na kaya ni Secretary Henry Aguda ang kamada ng kanyang Executive Director na lantarang dinudungisan ang pangalan ng buong DICT?
Ayon pa sa insider, nagsasaya na raw ang buong Telco Giant office sa Makati City dahil almost done deal na raw ang project na dinala ni ED at ng Telco Giant consultant.






