THE HAGUE — Diskwalipikado na si International Criminal Court (ICC) chief prosecutor Karim Khan sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa posibleng “conflict of interest,” batay sa desisyong nakita ng Reuters.
Isa itong panibagong dagok kay Khan, na pansamantalang tumabi noong Mayo habang iniimbestigahan ng UN ang umano’y kasong sekswal na paglabag laban sa kanya. Ipinagbawal na rin siyang makibahagi sa kaso ni Duterte — ang tanging malaking aktibong kaso ng ICC na kasalukuyang humaharap din sa mga parusang ipinataw ng Estados Unidos.
Iginiit ng kampo ni Duterte na may “conflict of interest” si Khan dahil dati niyang kinatawan ang Philippine Human Rights Commission (PHRC) na tumukoy kay Duterte bilang pangunahing suspek. Ayon kay Khan, “walang conflict of interest” sa naging papel niya, at hiniling sa mga hukom na tanggihan ang petisyon.
Subalit noong Oktubre 2, pinaboran ng Appeals Chamber ang kahilingan ng depensa, na nagsabing maaaring “magmukhang may kinikilingan si Khan dahil sa kanyang dating tungkulin,” kaya’t siya ay pinatalsik sa kaso.
Naaresto si Duterte noong Marso at dinala sa The Hague kaugnay ng mga pagpatay sa kanyang kampanya kontra droga na kumitil sa libo-libong buhay. Iginiit ng dating pangulo na ang kanyang pag-aresto ay “labag sa batas at katumbas ng kidnapping.”
Pinamumunuan ngayon ng deputy prosecutor na si Mame Mandiaye Niang — na siya ring may kasong parusa mula sa U.S. dahil sa imbestigasyon ng ICC sa Gaza — ang paghawak sa kaso.
Noon ding nakaraan, inatasan si Khan na irecuse ang sarili sa imbestigasyon sa Venezuela dahil ang kanyang bayaw ay abogado ng pamahalaan ni Pangulong Nicolas Maduro. Mariing itinanggi ng kanyang mga abogado ang mga paratang ng maling gawain. RNT