MANILA, Philippines – Nagtutulak ang Senate Committee on Agriculture na baguhin ang Rice Tariffication Law (RTL) at ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority upang mapanatili ang presyo at maprotektahan ang mga magsasaka, dahil sa negatibong epekto ng batas sa sektor ng agrikultura.
Binanggit ni Senador Francis Pangilinan ang pagbaba ng presyo ng palay ng hanggang PHP8 kada kilo dahil sa patuloy na pagdagsa ng imported na bigas. “Kung patakaran at polisiya ang lupang tatamnan ng sektor ng agrikultura, malinaw na lason at hindi pataba ang naging epekto ng Rice Tariffication Law,” ani Pangilinan. May ulat din ng posibleng price manipulation, irregularidad sa bodega, at paghina ng kakayahan ng NFA.
Suportado ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang reporma sa RTL upang mapabuti ang interbensyon, serbisyo sa extension, at modernisasyon ng NFA. Idinagdag ni Pangilinan na aprobado ni Pangulong Marcos ang dalawang executive order: isa para sa minimum floor price ng palay sa ilalim ng Sagip Saka Act, at isa para sa pagbili ng gobyerno nang direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda.
Ang RTL ay nagliberalisa ng importasyon ng bigas sa pamamagitan ng pagpalit ng quota sa taripa at pagtatag ng Rice Competitiveness Enhancement Fund, ngunit binabatikos ito dahil sa pagbaba ng presyo ng palay at paghina ng NFA. RNT