MANILA, Philippines – Nagpaliwanag si Navotas Representative Toby Tiangco sa kanyang pagboto ng “Yes” sa 2026 General Appropriations Bill (GAB), na aniya ay ginawa niya batay sa ilang kondisyon at malinaw na prinsipyo.
“Isa po dito ay ang ating paglilinaw na tayo ang unang-unang lumaban at nagsabing dapat buwagin ang Small Committee at pagkatapos ma-approve ang House General Appropriations Bill (HGAB) sa pangalawang reading ay wala nang babaguhin dito,” ani Tiangco.
Dagdag niya, ipinaglaban niya sa Committee on Appropriations ang pagtanggap ng individual amendments bago pa man ang ikalawang pagbasa ng panukalang batas. “Hindi po natin sila tinantanan hanggang sila’y pumayag kaya po nabuo ang Budget Amendment Review Sub-Committee… para masiguro na wala nang babaguhin pagkatapos ng 2nd reading,” paliwanag niya.
Nilinaw din ni Tiangco na ang kanyang boto ay nakabatay sa pangakong maisasama sa lump-sum budget ng Department of Education ang P150 milyon para sa construction ng Multi-Purpose Building at Bangkulasi Senior High School at P150 milyon para sa Multi-Purpose Building at Navotas Science High School Phase 1.
Hinikayat din niya ang komite na maging transparent sa paglalathala ng kabuuang budget ng DPWH para sa bawat distrito at party-list sa opisyal na website ng Kamara.
“Ipakita natin sa taumbayan na wala tayong itinatago. Dapat alam nila kung magkano ang budget para sa kanilang distrito mula sa buwis na kanilang binayaran. Dahil sa dulo, ang pondo ng bayan ay dapat gamitin nang tapat, malinaw, at para sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino,” giit ni Tiangco. Jojo Rabulan