MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na walang planong mag-angkat ng asukal hanggang Hunyo 2026 bilang tugon sa mababang presyo ng lokal na asukal.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., SRA Administrator Paul Azcona, at SRA Board Member Dave Sanson, walang pag-uusap ukol sa importasyon para sa Crop Year 2025–2026 hanggang matapos ang milling season sa pagitan ng Mayo at Hunyo 2026.
“Let us be clear—there is, and never was, any talk of an importation program until we finish significant milling and have firm production figures,” ani Tiu Laurel.
Dagdag ng DA, nagdulot ng pag-aalinlangan sa mga trader ang mga haka-haka tungkol sa importasyon. Upang mapanatiling matatag ang merkado, magkakaroon ng dalawang buwang buffer stock ng refined sugar.
Ayon kay Sanson, patunay ito na inuuna ng gobyerno ang kapakanan ng mga magsasaka at makatutulong itong mapatatag ang presyo ng asukal. Simula 2022, lumawak na ang taniman ng tubo mula 380,000 ektarya tungong 409,000, habang nananatiling matatag ang presyo sa farmgate at retail levels. Santi Celario