Bulacan – Arestado ang dating security guard nang mahulihan umano ng baril sa isinagawang implementasyon ng Search Warrant (SW) ng mga awtoridad sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong Oktubre 16.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson M. Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na si alyas JA, 42, dating security guard, residente ng Brgy. Sto Niño 1.
Batay sa ulat, ipinatupad ng SJDM police katuwang ang 24th Special Action Company, 2nd Batallion, Special Action Forces ang SW bandang 7:50 ng umaga na inisyu ng Presiding Judge ng MTC Branch 2, SJDM, Bulacan.
Sa operasyon, nakumpiska ang Colt cal. 45, magasin na may pitong bala at itim na sling bag kaya agad inaresto ang suspek.
Sinasabing isinagawa ang wastong pagmamarka, imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakumpiskang kagamitan sa lugar na dinaluhan at nasaksihan ng mga opisyal ng Brgy. Sto. Niño 1.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek habang ang nakumpiskang baril at bala ay dinala sa Bulacam PNP Forensic Unit para sa ballistic examination at safekeeping. Dick Mirasol III