MANILA, Philippines – Pinuri ng Department of Education (DepEd) ang 400 Alternative Learning System (ALS) learners na nagtapos sa Micro-Certification for Life Skills Program, na layong paigtingin ang kanilang employability at life readiness.
Ang programa, na binuo ng DepEd katuwang ang United Nations Children’s Fund (UNICEF), ay nagtuturo ng mahahalagang kasanayan tulad ng komunikasyon, pamumuno, pagtutulungan, at problem-solving.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang naturang programa ay patunay na ang tagumpay ay maaaring makamit sa pamamagitan ng maliliit na hakbang.
“Sa ating mga micro-certification completers, kayo po ang pruweba na hindi kailangang mabilis ang pagkuha ng life goals. It can come in steps, in modules, in micro-wins that eventually build a life of purpose and pride,” ani Angara.
“Because in ALS, we don’t just measure success by how high you’ve climbed, but by how far you’ve come,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng life skills program, binibigyan ng formal credentials ang mga completers para sa bawat kasanayang natutuhan sa pamamagitan ng “360-degree” assessment, na kinabibilangan ng self-rating, teachers, at community raters.
Isinagawa ang pilot implementation sa walong school division offices — Manila, Aurora, Batangas, Iriga, Lapu-Lapu, Misamis Oriental, Davao City, at South Cotabato — kung saan 2,854 micro-certificates ang naipagkaloob sa ALS learners.
Ayon sa DepEd, UNICEF, at mga katuwang nitong institusyon tulad ng Assessment, Curriculum and Technology Research Centre at University of Melbourne, napatunayan mula 2022 hanggang 2025 ang bisa ng micro-certification sa pagsusuri ng life skills. RNT/JGC