MANILA, Philippines – Ilang miyembro ng Kamara mula sa Lakas-CMD ang nag-iisip na magsampa ng isang ethics complaint laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, dahil sa kanyang mga alegasyon laban sa mga mambabatas, ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong na “pure nonsense” ang social media post ni Barzaga na sinasabing sa isang pagpupulong na ginanap ng mga miyembro ng Lakas-CMD, tinalakay umano nila ang mga planong gawing state witness ang Party President at dating House Speaker Martin Romualdez, at ilang mga kongresista na sumusuporta sa Pangulo “kapalit ng proteksyon”.
“Hindi po namin napag-usapan doon kung anuman ang sinasabi ng iba nating mga kasamahan. Unang-una, si Roman Romulo ay hindi po siya Lakas member, at wala po siya doon,” saad ni Adiong.
“Your primordial concern is to pass legislation… to advance your district, and not to go around spreading these lies without even providing any shred of evidence… Alam naman natin kung ano ‘yung mga lumalabas sa kanyang Facebook accounts. It’s pure nonsense,” dagdag niya.
“The members of Lakas are seriously contemplating on filing an ethics complaint. Kasi medyo ‘yung accusations na gano’n, it already abused his privilege of being a member of the House. Spreading these lies about the members, you know, tarnishing the reputation of those members, especially those members who are not even present in that meeting,” ayon pa kay Adiong.
“This spreading of lies, making bold accusations against members of the House of Representatives without even providing any shred of evidence, has really to stop. This kind of behavior, this childish behavior has really to stop… we’ve been tolerating him for quite some time,” aniya.
Naniniwala si Adiong na dapat ding itakda ng House ethics committee ang pamantayan ng pag-uugali para sa mga miyembro ng Kamara sa sesyon ng plenaryo.
“Acceptable ba ‘yung bigla mo lang mag-a-approach ka sa isang kasamahan mo na hindi ka naman niya iniistorbo, tapos bigla mo siyang i-video, i-haharass mo siya, tatanungin mo siya, ipo-provoke mo siya ng certain response, tapos naka-live ka, that’s already, to me, that’s already harassment. That’s invading private space,” aniya.
Si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na miyembro rin ng Lakas-CMD, ay mayroong ibang pananaw kay Barzaga.
“Hanga ako sa kanya. I think kailangan natin ng mas maraming mga independent voices sa Kongreso,” saad ni Leviste.
Samantala, sinabi ni Barzaga na malayang magsampa ng ethics complaint ang Lakas-CMD laban sa kanya.
“Lakas-CMD is free to file whatever complaint they want. I will defeat them along with everyone else,” ayon kay Barzaga sa kanyang post sa social media.
Si Barzaga ay nahaharap na sa ethics complaint na inihain ng mga miyembro ng Kamara mula sa National Unity Party dahil sa umano’y maling pag-uugali at mga post sa social media na nakikitang malisyoso, nagpapakita ng yaman at nag-uudyok ng seditious activity. RNT/MND