MANILA, Philippines – Nagpulong sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Manila City Mayor Isko Moreno sa Palasyo ng Malakanyang para sa mas malakas na kolaborasyon sa pagitan ng national at local government sa pagpapatupad ng mga pangunahing imprastraktura at social welfare projects sa kabisera ng lungsod.
Sa katunayan, pinag-usapan nina Pangulong Marcos at Moreno ang implementasyon ng ‘legacy projects’ sa Kalakhang Maynila kabilang na ang pabahay, mga tulay, transportasyon at urban redevelopment initiatives.
Sa isang kalatas na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Pangulong Marcos kay Moreno na bibigyang prayoridad ang mga pangunahing infrastructure projects gaya ng North at South Harbor Bridge, retrofitting ng Lambingan Bridge at North-South Commuter Railway (NSCR).
Itataguyod din nito ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) pipe-laying project sa Pandacan, naglalayong pagtibayin ang water supply infrastructure ng lugar.
“Other priority initiatives of President Marcos where the cooperation of the Manila city government will be vital, include the Greater Metro Manila Waterways Cleaning and Clearing Operations, and the Bayanihan sa Estero Program,” ang sinabi ng PCO.
Tinuran pa rin ng PCO na pinag-usapan nina Pangulong Marcos at Moreno ang mga plano para paghusayin ang monitoring ng infrastructure projects at abutin ang mga pamilyang naninirahan sa kalye na matiyak na makasama sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinutukan din sa nasabing pagpupulong ang mga plano sa pagsasagawa ng public information campaigns para sa major national government programs, kabilang na ang National Immunization Program at National ID registration.
Nauna rito, nagkita at nagkausap na rin sina Pangulong Marcos at Moreno sa isinagawang paglulunsad ng Reducing Food Insecurity and Undernutrition with Electronic Vouchers (REFUEL) Project ng DSWD, araw ng Huwebes sa San Andres Sports Complex sa Lungsod ng Maynila. (KRIS JOSE)







