ILOCOS SUR, Philippines – Hindi nakaligtas sa kalawit ni Kamatayan ang isang 27-anyos na lalaki matapos bumangga sa sementadong pader ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Sta. Monica, Magsingal ng lalawigang ito nitong Huwebes (Oktubre 16) ng gabi.
Ayon sa Magsingal Municipal Police Station, ang biktima ay residente ng Brgy. Cabaroan ng naturang bayan.
Minamaneho ng biktima ang kulay red na Bajaj Rouser 135 motorcycle at bumibiyahe ito papuntang hilagang direksyon sa national highway sa naturang lugar nang biglang mawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan.
Dahil dito, tumawid ng kabilang lane ang motorsiklo hanggang sa bumangga sa sementadong pader.
Agad na naisugod sa ospital ang biktima sa tulong ng mga rumespondeng PNP at BFP personnel.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso