THE HAGUE — Mananatili si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) kahit pa ideklarang “unfit for trial” o hindi na kayang humarap sa paglilitis, ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti nitong Sabado.
Sa kanyang pahayag sa Facebook, sinabi ni Conti na kung mapatunayang hindi na fit si Duterte para sa paglilitis, ang kaso ay ia-adjourn o pansamantalang ihihinto ngunit hindi ibabasura.
“He will remain in the custody of the ICC and the case will be reviewed every 120 days (four months),” ani Conti.
Inatasan ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang pagsasagawa ng medical examination kay Duterte upang matukoy kung kaya pa nitong lumahok sa mga pre-trial proceedings, kabilang na ang confirmation of charges.
Binubuo ang medical panel ng forensic psychiatrist, neuropsychologist, at geriatric and behavioral neurologist na magtutukoy kung may kondisyon ang dating pangulo na maaaring makaapekto sa kanyang partisipasyon.
Ayon kay Conti, inaasahang matatapos ang ulat ng panel sa Oktubre 31, 2025, at ito ay mananatiling kumpidensiyal.
“If the reports convince the judges to declare him fit to stand trial, then the hearing on the confirmation of charges can be rescheduled the soonest possible,” dagdag pa niya.
Tinawag ni Conti na “particularly contentious issue” ang kalusugan ni Duterte dahil umano sa magkakasalungat na pahayag at malabong impormasyon hinggil dito.
“On the part of the victims, we are closely monitoring the process to ensure that the rights of all parties are observed and fulfilled, and that any delaying tactic is offset,” ani Conti.
Nitong mga nakaraang buwan, inilabas ng ICC ang redacted summary ng Document Containing the Charges (DCC) laban kay Duterte.
Sa dokumento, kinasuhan siya ng tatlong bilang ng murder bilang crime against humanity, kabilang ang:
Pagpatay sa Davao City noong panahon niya bilang mayor (2013–2016);
Pagpatay sa mga “high-value targets” sa buong bansa noong siya’y pangulo (2016–2017);
Murder at attempted murder sa barangay clearance operations (2016–2018).
Tinukoy ng prosekusyon ang 49 insidente na may 78 biktima upang patunayan ang mga paratang.
Inaresto si Duterte noong Marso 11 pagdating niya mula Hong Kong sa utos ng ICC, at dinala sa The Hague, Netherlands, sa parehong araw.
Noong Marso 14, humarap siya sa mga hukom ng ICC sa pamamagitan ng video link.
Ang confirmation of charges hearing na nakatakda sana noong Setyembre 23 ay ipinagpaliban matapos humiling ng postponement ang depensa.
Tinanggihan naman ng ICC Pre-Trial Chamber ang hiling ng kanyang kampo na interim release o pansamantalang paglaya habang nililitis ang kaso. RNT/JGC