Home METRO Labi ng marinong Pinoy na nasawi sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi,...

Labi ng marinong Pinoy na nasawi sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi, naiuwi na – DMW

307
0

MANILA, Philippines – Naiuwi na sa bansa ang labi ng isang marinong Pilipino na nasawi sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa Gulf of Aden.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) sakay ng MV Minervagracht ang marino nang mangyari ang pag-atake noong Setyembre 29.

Sinalubong ang kanyang mga labi malapit sa Terminal 1 at 2 sa Pasay City ng kanyang pamilya, mga kinatawan mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng manning agency, bilang pagtanaw ng respeto at pakikiisa sa panahon ng pagluluksa.

Ayon sa paunang impormasyon, ang mga labi ay dadalhin sa Iligan sa bayan ng kanyang asawa, bago dalhin sa Zamboanga del Sur, kung saan naghihintay ang kaniyang mga magulang at iba pang kaanak.

Lubos ang pakikiramay ng Department of Migrant Workers sa pamilya ng yumaong marinong Pilipino, at tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Hiniling din ng DMW sa publiko ang pagdarasal at pagbibigay-galang sa pamilya ng nasawing tripulante sa panahon ng kanilang pagluluksa.

Samantala, kasalukuyang isinasagawa ng DMW ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan ang manning agency at ang foreign principal para mapatawan ito ng nararapat na parusa kung mapatunayang lumabag sa mga umiiral na patakaran ng ahensya.

Naunang nakauwi ng ligtas ang sampu pang Pilipinong tripulante noong Oktubre 4, habang ang isa pang lubhang nasugatan ay nakabalik noong Oktubre 10 at patuloy na nagpapagaling. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here