MANILA, Philippines – Kulungan ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos tutukan at pagbantaan papatayin ang isang babae habang armado ng sumpak sa Navotas City.
Nahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang 25-anyos na suspek na si alyas “Tamban” ng Brgy., NBBS, Proper.
Sa pahayag ng 36-anyos na babaeng fish vendor kay Navotas Police Acting Chief P/Col. Renante Pinuela, pinagbantaan umano siyang papatayin ng suspek habang tinututukan ng improvised shot gun.
Kaagad humingi ng tulong ang biktima sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Police Sub-Station 4 na mabilis namang remesponde na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang walang kaukulang mga dokumentong improvised firearm (sumpak) na kargado ng isang bala. Rene Manahan